Ito ang sinasabi ng Biblia. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon. Huwag nating kalimutan history repeats itself. Walang bagong pangyayari sa daigdig na ito kahit sabihin pa ng iba na merong bago. Pag-aaralan natin ngayon ang ilang pangyayaring nakatala sa Kasulatan at tingnan natin kung talaga ngang ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ating pag aaralan ang isang bahagi ng aklat ni Propeta Isaias.

Mga mahal na kapatid, tayo po ay nagluluksa, tayo ay natatakot. Sa kabila ng lahat, tayo ay umaasa, tayo ay lubos na sumasampalataya na sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin. Alam ba ninyo na ang ating mga emosyon, at ating mga karanasan ay nadama rin ng mga nauna sa atin? Sa Ecclesiastes 1:8-10, ganito ang nakasulat: “Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao.” [MB]

Ito ang sinasabi ng Biblia. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon. Huwag nating kalimutan - "history repeats itself". Walang bagong pangyayari sa daigdig na ito kahit sabihin pa ng iba na merong bago. Pag-aaralan natin ngayon ang ilang pangyayaring nakatala sa Kasulatan at tingnan natin kung talaga ngang ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ating pag aaralan ang isang bahagi ng aklat ni Propeta Isaias. 

Anu- ano ang mga ipinahayag ni Propeta Isaias na nagpapatunay na nauulit nga ang mga pangyayari, talagang history repeats itself? Sa Isaias 1:1 ay ganito ang nakasulat: “Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga kaarawan ni Uzias, ni Jotham, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda.” Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng mga pangitain. 

Anu-ano ang nakita ni Propeta Isaias sa Juda at Jerusalem? Mula talatang 2 hanggang 7 ay ipinakita ang kasamaan ng Juda at Jerusalem, sila’y nangaghimagsik laban sa Panginoon, sila’y napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga nagsisigawa ng korapsyon, hinamak at pinabayaan nila ang Panginoon. 


Dahil sa kanilang ginawang paghihimagsik laban sa Panginoon, ano ang nangyari sa Juda at Jerusalem? Ano pa ang ipinahayag ni Propeta Isaias na magaganap? Ano ang magiging pangalan na ikinapit sa Jerusalem dahil sa naging kasamaan ng mga pinuno at mga tagasunod? Sa Isaias 1:8 ay ganito ang nakasulat: “At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob.” 

Ang pangalang ikinapit sa kanila ay Anak na Babae ng Sion. Ang Anak na Babae ng Sion ay maraming beses binanggit sa Lumang Tipan, ang karaniwan ay sa prophecy o hula. Nuong una ang Sion ay tumutukoy sa Jerusalem, pagkatapos ay tumutukoy sa Israel bilang mga lingkod o bayan ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ang Anak na Babae ng Sion ay tumutukoy sa tunay na Iglesia. Mahalagang tandaan na ang Anak na Babae ng Sion ay hindi tumutukoy sa isang specific na tao. Ito’y isang metaphor para sa Israel sa Lumang Tipan; at para sa tunay na Iglesia sa Bagong Tipan. Ito’y isang pagmamahal, pangangalaga, at matiyagang relasyon ng Diyos sa Kanyang bayang pinili. 


Bilang representasyon para sa mga Israelita, ang Anak na Babae ng Sion ay inilalarawan sa iba’t ibang sitwasyon: Katulad sa Isaias 1:8, ang Anak na Babae ng Sion ay inilarawan bilang isang balag at pahingahan na iniwanan; ipinakilala rin bilang mga taong umaasa o naghihintay sa kaligtasang darating galing sa Panginoong Diyos [2 Hari 19:21,19; Isa. 62:11-12]; inilarawan din bilang isang babaeng manganganak na hinahabol ang paghinga at kahabag-habag sa harap ng mga criminal [Jer. 4:31]; ipinakilala rin bilang isang bayan na naghihintay ng isang Haring matuwid at matagumpay na magbibigay lunas sa epekto ng kasalanan [Zac. 9:9]. 


Sa Bagong Tipan, ang terminong Anak na Babae ng Sion ay ginagamit upang ipakilala ang tunay na Iglesia na ang Panginoong JesuKristo ang cornerstone—batong-panulok. Ito ay nakasulat sa Efeso 2:19-20, “Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si JesuCristo ang siya mismong batong-panulok.” 

Sa Roma 9:33 at 1 Pedro 2:6 ay ipinaliwanag rin kung paanong si Kristo Jesus ay naging cornerstone o batong-panulok. Ang ibang mga banggit tungkol sa Anak na Babae ng Sion sa Bagong Tipan ay makikita sa Roma 11:26, Mateo 21:5 at Juan 12:15. Ang tatlong apostoles ay sinipi ang Lumang Tipan, kaya ipinakilala sa atin ang kaugnayan o relasyon mula sa lumang Israel tungo sa spiritual Israel samakatuwid baga’y ang tunay na Iglesia. Tayong mga lingkod ng Diyos sa huling araw ay nagtaglay ng matibay na pananampalataya na tayo’y tinawag ng Diyos upang maging Iglesia o Katawan ng Panginoong Kristo Jesus. Tayo ay bunga ng pagsusugo ng Diyos [Isa. 46:11; Apoc. 7:2-3]. 

Ano ang implikasyon ng terminong Anak na Babae ng Sion? Ang terminong Anak na Babae ng Sion ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama. Pinahahalagahan at iniibig Niya ang Kanyang Bayan, kahit sa panahong Siya ay tinatalikuran ng Kanyang mga anak. Ang paggamit ng terminong “Anak na Babae ng Sion” patungkol sa nagrerebeldeng Israelitas ay ipinakilala ng Diyos ang Kanyang pagdaramdam at galit, subalit sa kabila nuon ay ipinakita rin Niya ang Kanyang paghahangad na sa darating na panahon ay mapanauli ang mabuting relasyon sa Kanya ng Kanyang Bayan upang maipadama Niya ang Kanyang pag-ibig [Zac. 2:10].

Paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig nang ang Kanyang Bayan ay naghimagsik laban sa Kanya sa paraang hindi sinunod ang Kanyang mga utos? Sa Isaiah 1:9, ganito ang nakasulat: “Kung hindi nagiwan sa atin ng napakakaunting labi ang Panginoon ng mga hukbo, naging gaya sana tayo ng Sodoma, naging gaya sana tayo ng Gomorra.” Ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig sa paraang nag-iwan Siya ng napakakaunting labi (small remnant). Samakatuwid, ugali ng Diyos na sa tuwing mayroong tumatalikod sa Kanya ay nag-iiwan Siya ng binhi, ng napakakaunting labi. Ang napakakaunting labi ay ang inaasahan ng Diyos na patuloy na magbigay papuri at pagsamba sa Kanya. Samakatuwid, ang dakila nating tungkulin ay ang sumamba sa Diyos at ipagtanggol ang Kanyang katuwiran at katotohanan. Hinihintay ng Diyos na Siya ay sambahin ng Kanyang mga pinili sa espiritu at katotohanan ayon sa Panginoong JesuKristo [Juan 4:23]. 

Napakaliwanag, muling naulit ang kasaysayan, may mga naghimagsik, may mga sumuway sa kautusan at mayroon ding naiwang binhi na patuloy na naninindigan sa pagsunod sa mga utos ng ating Panginoong Dios at Panginoong Kristo Jesus.

Ngayon, ano ang pagtrato ng Diyos sa mga lider at mga tagasunod na kinakakitaan ng katiwalian at iba’t ibang uri ng kasamaan na binanggit sa Isaias 1:2 hanggang 7? Sa Isaias 1:10-15 ganito ang nakasulat: “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Dios, kayong bayan ng Gomorra. Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? sabi ng Panginoon: ako'y puno ng mga handog na susunugin na mga lalaking tupa, at ng mataba sa mga hayop na pinataba; at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, o ng mga kordero o ng mga kambing na lalake. Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban? Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; kamangyan ay karumaldumal sa akin; ang bagong buwan, at ang sabbath, ang tawag ng mga kapulungan, hindi ako makapagtitiis ng kasamaan at ng takdang pulong. Ipinagdaramdam ng aking puso ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga takdang kapistahan: mga kabagabagan sa akin; ako'y pata ng pagdadala ng mga yaon. At pagka inyong iginagawad ang inyong mga kamay, aking ikukubli ang aking mga mata sa inyo: oo, pagka kayo'y nagsisidalangin ng marami, hindi ko kayo didinggin: ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.”

Ano ang pagtrato ng Diyos sa kanilang mga hindi sumusunod sa Kanyang mga aral, bagkus mga pansariling kapakanan ang inaatupag? Sinabi ng Diyos na “hindi ako makapagtitiis ng kasamaan at ng takdang pulong.” Ano ang katumbas na kahulugan nito? Ayaw ng Diyos na magkahalo ang pagsamba at ang paggawa ng mga katiwalian at iba’t ibang kasamaan. Ayaw ng Diyos ang pagsamba at paghahandog na ginagawa ng mga masasamang lider at mga bulag na tagasunod. Hindi nalulugod ang Panginoong Diyos sa kanilang mga pagsamba at mga handog. 

Pero hindi sinabi ng Diyos na ayaw Niyang Siya ay sambahin ng mga napakakaunting labi. Namimili ang Diyos kung sino ang mga sasamba sa Kanya. Ang inaayawan ng Diyos ay ang pagsamba ng mga pinunong masasama, mga hindi marunong magmahal sa magulang, at mga napopoot sa kumuquestion sa kanilang mga maling gawa. Nagdaramdam ang Diyos sa kanila. Ngunit ang pagsamba ng mga napakakaunting labi (Small Remnant) ay nakalulugod sa paningin ng Diyos. 

Samakatuwid tayong small remnant sa Iglesia ni Kristo ay dapat magpatuloy sa mga pagsamba, dumalo sa mga pagpapanata at pagtitipon online, manalangin sa bawat bahay, at kung may pagkakataon at kakayanan, magtipontipon upang sumamba bilang isang kongregasyon tulad ng sinasabi sa Hebreo 10:25, lalo na ngayon na nalalapit na ang wakas ng sanlibutan, dapat tayong magbigay ng lakas ng loob sa bawat isa at mas magagawa ito sa mga congregational worship dahil personal na nagkakatipon ang mga magkakapatid sa Panginoon.

Paano ipinakita ng Biblia ang kasamaan ng mga hindi tapat sa Panginoong Diyos, kundi naging mga makasarili, naka sentro sa kanilang pansariling kapakanan? Ano pahayag ng Diyos? Sa Isaias 1:21-24 ganito ang nakasulat: “Ano't ang tapat na bayan ay naging tila patutot! noong una siya'y puspos ng kahatulan! Katuwiran ay tumatahan sa kaniya, nguni't ngayon ay mga mamamatay tao. Ang iyong pilak ay naging dumi, ang iyong alak ay nahaluan ng tubig. Ang iyong mga pangulo ay mapanghimagsik, at mga kasama ng mga tulisan; bawa't isa'y umiibig ng mga suhol, at naghahangad ng mga kabayaran: hindi nila hinahatulan ang ulila, o pinararating man sa kanila ang usap ng babaing bao. Kaya't sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ng Makapangyarihan ng Israel, Ah kukuhang sulit ako sa aking mga kaalit, at maghihiganti ako sa aking mga kaaway.” 

Subalit, paano naman ipinapakita ng Diyos na Siya ay isang mapagmahal na Ama? Sa Isaiah 1:16-20, ganito ang pagkakataong ibinibigay ng Panginoon sa mga masama, sa mga criminal, sa mga tiwali, at mga magnanakaw: “Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan: Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao. Magsiparito kayo ngayon, at tayo'y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa, kung kayo'y magkusa at mangagmasunurin, kayo'y magsisikain ng buti ng lupain: Nguni't kung kayo'y magsitanggi at mangaghimagsik, kayo'y lilipulin ng tabak: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon.”

Ang Diyos ay totoong mapagmahal. Nagbibigay Siya ng babala. Ang babala ay pag-ibig ng Diyos sa mga binababalaan. Nagbabala Siya sa mga nanggigipit, tiwali, criminal, at magnanakaw na magsisi at magbago. Idalangin natin sa Diyos na buksan Niya ang mga mata ng puso at isip ng mga tiwali at bulag bago mahuli ang lahat. Ito ang ating pag-ibig sa kanila, idalangin natin sila, idalangin natin na ang mga masamang lider ay magsisi at magbago. Idalangin din natin na ang pag-ibig at kapayapaan ay maghari. Ano ang pahayag ni Propeta Isaias na natupad pagkatapos ng pagka-bihag sa Babylonia? Sa Isaias 1:26: “At aking papananauliin ang iyong mga hukom na gaya ng una, at ang iyong mga kasangguni na gaya ng pasimula: pagkatapos ay tatawagin ka, ang bayan ng katuwiran, ang tapat na bayan.”

Ang talatang ito ay natupad sa lumang Israel. Ang pagkakaroon muli ng mga mabuting hukom, mabuting lider, at mabuting tagapayo ay naganap sa lumang Israel. Dahil ito’y kalooban ng Diyos, natutupad din sa ating panahon ngayon dahil history repeats itself. Isang bagay ang tiyak, ang kaligtasan ng Anak na Babae ng Sion ay darating sa ikalawang pagparito ng Panginoon. Sa Isaias 1:27-28, ganito ang pahayag: “Ang Sion ay tutubusin ng kahatulan, at ng katuwiran ang kaniyang mga nahikayat. Nguni't ang pagkalipol ng mga mananalangsang at ng mga makasalanan ay magkakapisan, at silang nagtatakuwil sa Panginoon ay mangalilipol.”

Paano po inilalarawan ang kaligtasan at kaparusahan sa Araw ng Paghuhukom? Sa Apocalipsis 20:11-15, ganito ang nakasulat: “At nakita ko ang dakilang maputing trono at ang nakaupo rito. Ang lupa at ang langit ay tumakas mula sa kaniyang harapan. Wala ng lugar doon para sa kanila. At nakita ko ang mga taong patay, hindi dakila at dakila na nakatayo sa harapan ng Diyos. At binuksan ang mga aklat at ang isa pang aklat ang binuksan, ito ay ang aklat ng buhay. Hinatulan niya ang mga patay ayon sa nakasulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. Pinakawalan ng dagat ang mga taong patay na taglay nito. At pinakawalan ng kamatayan at ng hades ang mga taong patay na nasa kanila. At hinatulan ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. Itinapon ng Diyos ang kamatayan at hades sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan. At ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa dagatdagatang apoy.” 

Sino ang ibubulid sa dagatdagatang apoy? Sa Apocalipsis 21:8 narito ang pagkakakilanlan sa kanila: “Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.” 
Mga mahal na kapatid, napakalinaw kung sino ang parurusahan: mga duwag at mamamatay tao, mga sinungaling, at napakalinaw din, bawat isa ay haharap sa hukuman ng Dios, walang exemption, mayaman o mahirap, makapangyarihan o naaapi, lahat isa-isang huhukuman.

Sino ang tatanggap ng kaligtasan at buhay na walang hanggan? Sa Apocalipsis 7:13-17 ito ang ating pag-asa at pananampalataya: “Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”  “Ginoo, kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko. At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit ng dugo ng Kordero. Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Napakalinaw ng salita, nakalaan ang buhay na walang hanggan sa mga naglinis ng kanilang buhay at pamumuhay na dahil duon sila ay nakakasagupa ng matinding kapighatian. Kapag pumanig tayo sa ating Panginoong Kristo Jesus, tiyak na tayo ay magdaranas ng kapighatian. Subalit, sandali lamang ang ating pagtitiis dahil malapit na ang araw ng pagkakaloob ng buhay na walang hanggan. Maaring magkakahiwahiwalay tayo sa lupang ito ngunit sa Langit, magkakasama tayong lahat, wala nang kahirapan, hindi na magkakaroon ng kamatayan, hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man. Papahirin ng Diyos ang luha ng bawa’t isa. Kung naulit man ang kasaysayan na may mga naging suwail, nauulit din naman na may napakakaunting labi—Small Remnant sa Iglesia ni Cristo upang magpatuloy na magbigay ng kapurihan sa Panginoong Diyos, ang ating Ama sa Langit.